1. Fan Girl – ★★★★½
2020 🇵🇭 ✍️ Antoinette Jadaone
Parang laging nakalutang sa ulap. Ganito malulong sa usok ng bulag na pagkunsumo sa tuwing nalulunod sa kunsumisyon. “Mapait pero masarap.” Paulit-ulit na nilalaklak ang pantasya upang temporal na magamot ang lungkot, takot, o bagot. Ganito kabulnerable ang sitwasyon at manipulasyon, lalo na sa kababaihan. Ganito tayo ginagago ng merkado at estado. Ito ang trahedya ng labis-labis na pagsamba sa poon habang binibingi ng “Putang ina mo!”
2. Midnight in a Perfect World – ★★★★
2020 🇵🇭 ✍️ Dodo Dayao
Paikot-ikot lang tayo. Ito ang lagusan ng mga patibong. Hindi na natin nahahabol ang oras. Hindi na tayo magkaintindihan. “‘Wag kang magtaka / kung sa pader ng Department of National Defense / ipinipinta ng mga magsasaka ang kanilang galet. / ‘Di tulad mo, / wala silang Facebook wall / na pwedeng pagsulatan ng L-O-L / at Je-je-je at pakshet.” Ito ang lenggwahe nang ‘di maintindihang takot. Araw-araw walang araw. Buwan-buwan walang buwan. Minamanipula tayo ng mga unipormado. “Andami nang desaparasido.” Binubura tayo sa mapa ng estado. “Sabi nga ni Gil Scott-Heron / Hindi isasa-telebisyon / ang Rebolusyon.”