Sinubukan kong maglakad papasok ng opis kanina. Kulang sa dal’wang kilometro pala ang layo mula sa bahay. ‘Yung selpon na walang data ang nagamit kong pang-monitor kaya sablay ‘yung oras. Pagdating sa opis, maaga ako nang trenta minutos. Ngayon na lang yata ako nakapagkape nang mabagal. Pero ambagal ng siyam na oras sa trabaho. Pag-uwi, tumakbo ako sa Terra. Isang kilometro na lang kinaya ng paa at utak ko. Nasa hita na kasi yata ‘yung stress at toksisidad ko sa trabaho. So nagtarantang lakad na lang ako ng dalawang kilometro. Paikot-ikot, naburyong ako. Hingal-aso akong napaupo sa may toldang hintuan ng BGC Bus. Solo lang ako. Maya-maya, may papalapit sa ‘kin. Nag-usap kami sa ismayl. “Makikiupo,” sabi ni Miss. Umisod-tango ako. Ilang minuto ang lumipas. Huminto na ang mundo pero hindi ang pawis ko. Tumayo ako para umuwi. Itinawid n’ya ‘ko nang mata habang papunta ako sa kabila. Paglingon ko, wala na s’ya pati na rin ‘yung pawis ko. Wala pang dumadaan na bus. Wala ring papalayong tao sa kinauupuan namin kanina.