Sa Loob, Sa Pagitan, Sa Labas: Rebyu ng Ang Huling Dalagang Bukid at ang Authobiography na Mali, Isang Imbestigasyon (Jun Cruz Reyes, 2011)


Bukod sa ilang segundong paghinto dahil kinailangan ko munang paulit-ulit na i-test ang sarili kong bokabularyo at sumangguni na sa birtwal na espasyo kung may iba pa nga bang baybay ang salitang autobiography dahil sa pagkakaro’n nito ng dal’wang letrang H sa pamagat ng aklat sa pabalat nito, marahil ay binulabog din ni Amang (tawag sa premyadong awtor na si Jun Cruz Reyes, na inaantabayan na ring maging National Artist, ng mga naging workshopper n’ya) ang mundo ng Panitikan dahil sa pagpapakilala n’ya ng bagong porma ng nobela.

May Nobela SA LOOB ng “Nobela”

Nagsilbing pambungad at sentro nitong “nobela” ni Amang ang binabalak n’yang gawing nobela (at documentary film na rin) na pinamagatang Ang Huling Dalagang Bukid. Dito ay isa sa ‘pinakilala ang karakter ni Linda bilang pinakahuling dalagang umalis sa baryo ng Wakas upang magsilbing entertainer sa Japan at takasan ang hirap ng buhay sa kanilang baryo na unti-unti nang nagiging abandonado ang mga sakahan dahil halos wala nang interes sa pagsasaka ang mga taong naroon. Kung tutuusin, wala namang problema sa proyektong ito ni Amang dahil naiwan n’ya lang naman ang manuskrito nito sa bahay n’ya sa Hagonoy, Bulacan kung saan do’n din s’ya sana mag-iinterbyu ng mga tao para buhayin ang mga karakter sa nobela. Pero dulot ng banta sa kanyang buhay mula sa hindi matukoy na mga nilalang at sa hindi malinaw na dahilan, hindi s’ya makauwi ro’n.

Dito ay madulas na eentrada ang kanyang talambuhay na eksaherado n’yang tinawag na Authobiography na Mali. Kung pamilyar kayo sa ilang detalye ng personal na buhay ni Amang na kilala sa pagsusulat ng mga kuwentong pumapaksa sa masa at humuhubog sa tinatawag na kamalayang panlipunan o social consciousness, mahihiwatigang nangyari nga sa tunay na buhay ang ilan sa mga bahagi ng “nobela.” Matatandaan kasi na minsan na ring nag-online post si Amang ng sworn affidavit tungkol sa mga hindi kilalang tao at sundalo na aali-aligid sa kanyang bahay sa Hagonoy.

May Koneksyon SA PAGITAN ng Piksyon at Hindi-Piksyon

Sabi nga, hindi magiging matagumpay ang isang piksyunista kung hindi s’ya magiging realistiko sa paglalahad ng kuwento. Sa kaso ng nobela, nagpabalik-balik man ang paglangoy ng kuwento sa piksyon at hindi piksyon, hindi ‘to naging sagabal sa pangkabuuang istraktura ng “nobela”. Mapatutunayan tuloy na napagtagumpayan ng awtor ang bago n’yang eksperimento bilang kilala naman s’ya sa pagbali ng mga tradisyon at batas ng pagsusulat.

Sa kabilang banda, nailahad din sa “nobela” ang iba’t ibang isyung sumasalamin sa buhay ng isang manunulat. Isa sa pinakamatingkad ay ang ‘pinahihiwatig ng isa sa mga talatang mababasa sa huling kabanata ng “nobela”: “…Anong itatawag ko sa iyo? Saan kita ikakategorya? Sa mga pamantayang hindi naman natin ginawa pero ginagamit sa atin? Paano ko iyon ipapaliwanag sa iyo?… Walang paliwanag, anak. Wala lang. Sapagkat ang panulat ay isang gawaing subersibo, lagi nitong binibigyan ng kahulugan ang kalakaran at binubuko ang sikreto ng kapangyarihan.”

May Bago SA LABAS ng Dogmatikong Pagsusulat

Nag-aalok ng bago ang aklat na ‘to na nabingwit ang Gintong Aklat Award ng Nat’l Book Development Board no’ng Setyembre 2012 (ika-apat nang award nitong nobela habang ‘sinusulat ang rebyung ‘to) kaya hinding-hindi dapat isnabin.

Kung gusto n’yong magkaroon ng kabuluhan ang mga binabasa n’yong nobela gaya ng mga kinahuhumalingan n’yong romance pocketbooks at fantasy and Bob Ong books, mahalagang basahin n’yo rin muna ang mga nobela ni Amang na tinatayang may 1.8 milyong hits na, ayon sa http://www.librarything.com.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s