(Plugged…)
Simulan natin sa pagpindot ng ON.
Bukás na ulit ang elektronikong kahon.
Magpapakahon na naman tayo
sa mambibilog ng ating ulo
at hahayaan nating higupin ulit tayo
ng pumipisik-pisik na liwanag
(Colored o black & white?)
mula sa muk’a nitong kwadrado, iskwalado.
(Ilang inches?)
Sa timeslot na ganyan, ganito,
magpapadala na naman tayo
sa emosyong mandatoryo,
o kinakailangang maramdaman.
Eto’ng palabas!
(Anong channel?)
Eto’ng patalastas!
(Anong product?)
Eto’ng mga dapat nating abangan bukas!
(Anong program?)
Ang totoo:
Tayo ang pinapanood
ng mga pinapanood
nating panoorin…
Hanakanangtok…
pudpod na’ng mga daliri natin
sa subersyon ng MTRCB
at ng dambuhalang networks.
Bukas, eto’ng susunod na eksena:
Mag-a-avail tayo ng flat screen
at bubuhayin natin ang simula
sa nakababanong pagpindot ng ON
sa humabang remote control.
“Ang susunod na programa ay Rated SPG”
(Unplugged…)