N a k a l a d l a d
ang kanyang kamay
at ang nakaladkad
n’yang pagkatao
sa mataong pook ng paghihikahos.
Nakadadaupang-palad
ang ku.mu.ku.pad
na hampas
ng nanunudyong oras:
busina ng rumaragasang bus,
sagitsit ng ispiker sa kalawanging dyip,
“screeeeeechh” ng kotseng
‘di pa nadidilaan ng tubig
at kung anu-ano pang
naghambalang
na sasakyang
dire-diretso
sa nanlalabo
n’yang panimdim.
Madilim,
tulad ng itinadhana:
kapalarang maagang inabandona
at itinakda
sa dulo ng abuhing kalsada
habang unti-unting nagdududa
ang papasungit na panahon.