This was published in volume 1 of Paleta (The Spark’s 2nd literary folio) on June 2010

“Walang paghihimagsik na hindi nabibigo.
Bawat isa ay hakbang sa tumpak na direksyon”
-Salud Algabre
Sa piketlayn…
sumilakbo ang damdamin,
‘sinanggalang ang karapatan,
bumulwak ang mithiing ipaglaban
ang naghuhumiyaw na bulyaw ng katotohanan.
Sa piketlayn…
nagsalikop ang mga nagurlisang palad,
nagtagpo ang mga landasin,
pinawalang-taklob ang nagtatagong ulo ng kabalintunaan.
Sa piketlayn…
tumayo,
sumigaw,
tumutol,
kahit na rumaragasa ang marahas na alon ng dispersal ng mga unipormado.
Sa piketlayn…
hindi ako matitinag,
hindi ako mawawalan ng laksa-laksang pag-asa.
kung para rin lang sa inaapi kong bayan.
Sa pikelayn…
taas lang ang kamay
kahit lupaypay
at ‘di na makalugapay!