Lansa, Tapang at Bango: Pagsulyap sa presentasyon ng tatlong ‘tunay’ na blogspot


Tuluyan na ngang pinasingaw ng maimpluwensiyang midya ang isa sa mga sensitibong diskurso sa kultura nating mga Pilipino—ang sekswal na oryentasyon ng isang tao. Patunay nito ang nalilikhang trapiko sa blogosphere ng ilang site na tumatalakay sa mga tuntunin ng partikular na sekswalidad ng mga indibidwal.

Kabilang sa mga ito ang TNL, TNB at TNV. Pare-parehong sinimulan noong buwan ng Abril 2009, walang pasubaling nagtagumpay ang tatlong blogspot na makuha ang atensiyon ng mga taong mahihilig magbasa ng blog.

Masasabing naging epektibo ang mga taong nagpapatakbo ng mga ito dahil sa iba’t ibang reaksyong umigpaw mula sa kakatwa nitong manipesto, polls at posts hanggang sa mga papuri at hate shit na komento at testamentong natanggap nito.

http://tunaynalalake.blogspot.com

Pinakapumatok sa mata ng mga mambabasa ang HAY! MEN! Ang blog ng mga tunay na lalake sa panahong nakakalalake!, kilala rin sa tawag na TNL. Sa katunayan, nanguna ito sa Top Blogs Philippines sa kategoryang Humor at naging nominado pa sa Philippine Blog Awards 2009.

Sa unang malas, tunay nga namang mapangingiti ka sa presentasyon ng blog. Namumukod-tangi kasi ang inihanda nilang manipesto na talaga namang wasak na wasak:

  1. Ang tunay na lalake ay di natutulog.
  2. Ang tunay na lalake ay di nagte-text-back, maliban na lang kung papasahan ng load. Gayunpaman, laging malabo ang kanyang mga sagot.
  3. Ang tunay na lalake ay laging may extra rice.
  4. Ang tunay na lalake ay hindi vegetarian.
  5. Ang tunay na lalake ay walang abs.
  6. Ang tunay na lalake ay hindi sumasayaw.
  7. Ang tunay na lalake ay umaamin ng pagkakamali sa kapwa tunay na lalake.
  8. Ang tunay na lalake ay laging may tae sa brief.
  9. Ang tunay na lalake ay di naghuhugas ng pinagkainan o nagliligpit ng kanyang mga gamit dahil may babaeng gagawa noon para sa kanya. Mas lalong nagiging tunay ang pagkalalake kung di niya kilala o di niya maalala ang pangalan ng babae.
  10. Ang tunay na lalake ay hindi nagsisimba.

Kung susuriing maigi, mahihiwatigang kabaligtaran ng ibig nitong iparating ang kahulugan ng nabanggit na 10 batayan sa pagiging tunay na lalaki. Sa puntong ito, mapatutunayang pinasisibol ang satirikong katangian ng blog.

Ngunit kapansin-pansing hindi nasustina ng mga nagmimintina nito ang layuning makapagbigay-aliw sa pamamagitan ng political satire. Dumagsa na kasi ang mga blog entries na nagtataglay ng seksismo at anarkismo. Dagdag pa nito ang pagiging bukas ng TNL sa kahit sinong nilalang na gustong mag-post.

Mapanuya. Masasabing lumampas na ang TNL sa border ng limitasyon dahil sa pag-entra nito sa usapin ng diskriminasyon sa hirarkiya ng kasarian. Bunga ng suliraning ito, nagkaroon ng internal na alitan ang mga nagpapatakbo ng TNL na isa sa itinuturong dahilan nang pagsasara nito noong nakaraang Oktubre 2009. Ngunit sa pagpasok ng taong 2010, muling binuksan ang site kung saan muli itong naging aktibo sa blogosphere.

http://angtunaynababae.blogspot.com

Mistula namang nanghihingi ng pag-unawa ang TNB o ANG BLOG NG MGA TUNAY NA BABAE dahil sa tagline nitong ‘Intindihin mo.’

Binansagang counterpart ng TNL, malaki ang suspetsa ng ilang tao na umaangkas daw ang blog na ito sa popularidad ng TNL. Nakapagdududa tuloy kung iisa o konektado ang founder nito at ng TNL.

Ang 20 nilang kredo na umiikot sa mga klasikal at modernong gawi ng nakararaming mga babae sa kasalukuyan ay ang sumusunod:

  1. Ang tunay na babae ay palaging undecided.
  2. Ang tunay na babae ay palaging tama.
  3. Ang tunay na babae ay palaging late ng minimum of 15 minutes.
  4. Ang tunay na babae ay pwedeng mainis sa kapwa babae for no apparent reason.
  5. Ang tunay na babae ay kumakanta sa banyo.
  6. Ang tunay na babae ay nakapikit habang  hinahalikan pero didilat sandali para tingnan kung nakapikit din siya.
  7. Ang tunay na babae ay hindi umaalis ng bahay ng walang shaver.
  8. Ang tunay na babae ay ngangawa sa CR at lalabas dito na parang hindi affected.
  9. Ang tunay na babae ay magsi-shriek sa kilig sa CR at lalabas dito na parang hindi affected.
  10. Ang tunay na babae ay magti-text ng cryptic smileys pag di makabigay ng straight answer.
  11. Ang Tunay na Babae ay kayang maging one of the boys kahit naka-stilettos.
  12. Ang Tunay na Babae ay kayang hindi huminga ng tatlong oras pag naka-cocktail dress na fit.
  13. Ang Tunay na Babae ay may at least isang thong.
  14. Ang Tunay na Babae ay may default answer na ‘wala’ pag tinanong kung may problema ba.
  15. Ang Tunay na Babae ay may corresponding song sa bawat development stage ng lovelife.
  16. Ang Tunay na Babae ay hindi hinihiwalayan ng lalake. She just had enough.
  17. Ang Tunay na Babae ay nagchi-check ng cellphone.
  18. Ang Tunay na Babae ay hindi mauunang magsabi ng I love you.
  19. Ang Tunay na Babae ay kailangan ng proof.
  20. Ang Tunay na Babae ay kailangan ng proof habang buhay.

http://tunaynaveyklas.blogspot.com

Hindi rin nagpahuli ang isa sa mga samahang bumubuo sa grupong LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual and Transexual). Sumulpot din kasi ang isang sanktuwaryong pinamumugaran ng mga taong “berde ang dugo.” Pinamagatang HEY! VEYKLAS! Ang kaibigan ng mga tunay na lalake o TNV, hindi maitatatwang nakamit nito ang perspektibang maaliw ang mga viewers sa laman ng kanilang blog.

Maharot ang dating ng TNV. Gumamit kasi ito ng swardspeak, isang makulay na lengguwaheng mabentang-mabenta sa sangkabaklaan. Yun nga lang, dahil sa masteridad ng nagmimintina ng TNV sa homosekswal na wikang ito, nahirapan tuloy ang ilang tao na lunukin ang kahulugan o ibig iparating ng kanilang mga ipino-post.

Samantala, tulad ng dalawang nabanggit na blog sa itaas, katawa-tawa rin ang pamantayan ng mga tunay na veyklas. Ayon sa kanila, heto ang 25 palatandaan at marka ng isang TNV:

  1. Ang tunay na veykla ay super borlogs kapag may chance. Sleeping beauty galore para (1.) ganda ng fez at skin pagkagising, (2.) para di ga-maleta ang eyebagey, at (3.) para mega energy sa rampa. EXCEPTION: mga taong bangag ever sa bawal na gamot (pero ang mga gandarang veykla na bangag sa hormonal pills na pampadagdag boobs at pampawala ng bigote at hairla sa kilikili ay pasok!)
  2. Ang tunay na veykla ay mega super text back. Kever kung sang lupalop man ng bansa. Afraid ma-warla ng jowa-jowaan sa text. Kinakarir din ang pagpapasaload sa mga betinang mhenchaluz.
  3. Ang tunay na veykla ay mega long-ish mag-reply sa text. Di pwede ang reply na “K” lang. Sad ever agad kapag di tumutunog ang cellphone to the tune ng kanyang latez fave dance tune hudyat na nagtext back na sa wakaz ang tinext n’ya 10 hours ago 10 times ng “Hi. Musta ang sweety ko?”. Meron din s’yang SIM ng lahat ng networks. Para text-proof at call-proof ang buhay.
  4. Ang tunay na veykla ay alam kung ano ang sinasabing “pekpek shorts” at meron s’ya nitwu o lihim na umaasam na magkaroon nitwu. Parang little black dress baga, or kamison ni Mother Lily, dahil may powers itwung taglay.
  5. Ang tunay na veykla ay never umaaming nag-e-extra rice.
  6. Ang tunay na veykla ay either may (1.) parlor, (2.) bet tumambay sa parlor, (3.) or bet magkaro’n ng parlor balang araw kung makalusot kay fadir. (note: may mga tunay ding lalakeng tumatambay sa parlor at alam ng tunay na veykla kung ba’t sila andun).
  7. Ang tunay na veykla  ay may either (1.) may “love handles” (not to be confused with the botchog bilbilicious ng mga menchaluz)—dahil na rin itwu sa kakajoin sa inuman ng mga menchaluz, or (2.) zuper payatollah sa pag-mumudil sa Malate, (3.) may abs para makabingwit din ng kapwa-ko-mahal-ko nilang umaasam din ng mga abs sa Malate.
  8. Ang tunay na veykla ay super dance diva sa dance floor or kahit sa shore ng Puerto Galera kung lasengga na.
  9. Ang tunay na veykla ay super mega-videoke ang libangang tunay. Ang range ng kanta ay mula sa napaka-birit na kantang “Wherever You Will Go” ng The Calling, “Half Crazy” ni Johnny Gill, hanggang super baba ng “Emotions” ni Mariah Carey or Listen ni Beyonce. Keber na kung may karapatan man sila sumingalore o wala.
  10. Ang tunay na veykla ay okrayera pa-simple man o harapan. O kahit sa kapwa tunay na veykla.
  11. Ang tunay na veykla ay the best mag-deliver ng joke. Kahit ‘di na nagjo-joke.
  12. Ang tunay na veykla ay magaling magsulat ng kwentong ka-elyahan na OM to OM.
  13. Ang tunay na veykla ay laging malinis ang p’wet.
  14. Ang tunay na veykla ay di masyado keri kajoin ang mga tomboyitang babae na nagpapakalalaki.
  15. Ang tunay na veykla ay napapa-ingles ‘pag nagagalit. Kahit di tama ang ingles, go lang ng go. Kahit mura lang.
  16. Ang tunay na veykla ay the best sumagot sa Q & A portion.
  17. Ang tunay na veykla ay mahilig sa beauty contests, kasali man sila o hindi.
  18. Ang tunay na veykla ay kinakarir ang pagsali sa Ms. Gay contests mula Aparri hanggang Jolo.
  19. Ang tunay na veykla ay mahilig magpa-contest ng mga Ginoong something something at magpasuot ng mga skimpy at white na trunks sa mga mhenchaluz na contestants.
  20. Ang tunay na veykla ay mabilis magkabisado ng mga mahahabang sagot sa Ms. Universe beauty pageant man or sa Binibining Pilipinas, o kahit sa barangay level lang.
  21. Ang tunay na veykla ay may soft spot sa mga (1.) construction worker, (2.) kargador, (3) security guard, (4.)sundalo, (5.) marino, aminin man o hindi.
  22. Ang tunay na veykla ay magaling umanggulo sa piktyuran man o sa halahan.
  23. Ang tunay na veykla ay rampadora. Kering keri n’ya ang maglakad ng madaling araw mula sa Quiapo hanggang Fairview sa ngalan ng rampa. Kaya’t pasensya na sa mga mhenchaluz na namataan nila saktong sumisikat na ang araw. Tunay na veyklang hayok ang makikita nila.
  24. Ang tunay na veykla, ‘pag mayaman at tumanda na, ay natural na napapatambay sa mga basketball courts ng mga schools na sikat.
  25. Ang tunay na veykla ay madalas na pang-maton o pang-hoodlum ang pangalan. Example: Amador.

Sa kabuuan, masasabing nagladlad ang TNV ng umaapaw na liberasyon. Pinatunayan man nito ang pagiging totoo sa sarili, nangibabaw naman ang ilang kahindutan sa iba’t ibang anggulo ng blog na maaaring bigyan ng negatibong interpretasyon ng ilang viewers nito.

* * *

Saklaw tayo ng mga nagtutunggaliang uri sa lipunan. Nakasaklob sa atin ang isang katotohanang hindi pantay ang tungtungan kung kasarian na ang pinag-uusapan. Sa kaso ng tatlong blogspot, mas mabuti sigurong lumikha na lang sila ng isang site na maingat na magsusuri sa mismong tao bilang sentro ng diskurso. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang sinasabing kawalan ng ekwalidad sa sekswalidad.

Kelan kaya magkakaroon ng laman yung http://tunaynatao.blogspot.com?

•••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••
Published in Volume 2 of Genre on February 2010.
•••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••

3 responses to “Lansa, Tapang at Bango: Pagsulyap sa presentasyon ng tatlong ‘tunay’ na blogspot

  1. Pingback: Manifesto/Credo/Palatandaan at Marka ng tatlong ‘tunay’ na blogspot « The Spark·

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s